PDEA, aalamin kung sangkot sa iligal na droga ang mga magpopondo sa mga kandidato ngayong darating na halalan

by Radyo La Verdad | December 13, 2018 (Thursday) | 7533

Para matiyak na hindi magagamit sa pangangampanya sa parating na halalan ang pera mula sa illegal drug trade, nagpahayag ngayon ng kahandaan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na imbestigahan ang mga negosyanteng susuporta sa mga kandidato.

Ayon sa PDEA, karaniwang sangkot sa paggamit ng pera mula sa kurapsyon at iligal na droga ang mga kandidato sa pagkabise-alkade pataas, ngunit may mga barangay officials din na sangkot dito.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, sampung narco politicians na kabilang sa narcolist ang nadakip at napatay sa kanilang mga operasyon.

Pero patuloy ding biniberipika ng PDEA ang kanilang listahan ng mga sangkot sa iligal na droga.

Katunayan, limang alkalde at isang bise-alkalde ang tatanggalin na sa narcolist dahil hindi naman gaano kabigat ang kanilang mga paglabag.

Ngunit paliwanag ni Aquino, posible pa ring maibalik sa listahan ang mga ito oras na makatanggap na sila ng ulat ng pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na droga.

Matatandaang ipinanukala ng PDEA ang surprise drug test sa lahat ng kandidato sa midterm election.

Una na ring nanawagan ang ahensiya na huwag iboto ang mga kandidatong sangkot sa iligal na droga.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,