PCG, buong suporta sa darating na National Vaccination Day

by Radyo La Verdad | November 18, 2021 (Thursday) | 6128

METRO MANILA – Makikipagtulungan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa gobyerno para sa nakatakdang national COVID-19 vaccination o “Bayanihan Bakunahan” sa darating na Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, ipinahayag ni PCG Commandant, CG Admiral Leopoldo Laroya na nakatakdang gamitin ang lahat ng land, floating and aerial assets ng Coast Guard para sa mas mabilis na paghahatid ng mga bakuna sa 16 na rehiyon ng bansa sa labas ng National Capital Region (NCR).

Dagdag pa ni Coast Guard Commandant Leopoldo ay patuloy silang nakikipag-ugnayan sa National Task Force Against COVID-19 (NTF), Department of Health (DOH) at sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang masigurong magiging matagumpay ang darating na 3 araw na national vaccination days at makamit ang 70% target na populasyong mababakunahan sa buong bansa.

Inatasan na rin ng PCG ang kanilang mga medical personnel ng partisipasyon sa nasabing aktibidad kasabay nito ay ang pagtulong ng PCG Auxiliary (PCGA) volunteers sa manpower at donasyon ng medical supplies.

Bukod dito, itinalaga na rin ng DOH ang mga frontline personnel sa lahat ng PCG districts, stations at sub-stations sa halos 8,000 vaccination sites ng bansa ng upang makatulong ng Local Government Units (LGUs) para masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng libo-libong Pilipinong inaasahan na magpapabakuna.

“Inaanyayahan namin ang lahat ng mga unvaccinated Filipinos na suportahan ang ‘Bayanihan Bakunahan’ at makiisa sa pagpapababa ng infection rate sa ating bansa. Sama-sama tayo sa tuluyang pagbangon ng bansa laban sa epektong iniwan ng COVID-19,” ani PCG Commandant, CG Admiral Leopoldo Laroya.

(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)

Tags: