METRO MANILA – Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon rin ng maaayos na pagkakakitaan ang mga pamilya na nabigyan ng pabahay ng National Housing Authority.
Kaya naman nanawagan siya ng tulong sa mga lokal na pamahalaan at maging sa mga pribadong sektor para mabigyan sila ng hanapbuhay.
Pangkaraniwan kasing reklamo ng mga nakakakuha ng murang pabahay ng gobyerno ay malayo sa pinagta-trabahuhan o kaya naman ay malayo sa kabihasnan.
Kaya naman gusto ni PBBM na ang human settlement area ay malapit sa pinagtatrabahuhan at may mga pamilihan.
Ikinokonsidera rin aniya ng kaniyang administrasyon ang pagtatayo ng high-rise housing units upang masolusyunan ang kakulangan ng mga pabahay.
Pinangunahan kahapon (December 6) ni Pangulong Marcos Jr. ang turnover ng housing units mula sa National Housing Authority sa Naic Cavite.
Ang bawat unit ay may sukat na 26-square meter at may 1 kwarto. Ito ay nagkakahalaga ng P558,770.00
Ang mga beneficiaries ay magbabayad ng P600 sa unang 5 taon.
Itataas ang monthly amortization kada 5 taon at inaasahang mapasasakanila na ito matapos ang 30 taon.
Target ng pamahalaan na makapagtayo ng 1-M pabahay kada taon sa loob ng 6 na taon.
(Nel Maribojoc | UNTV News)