PBBM, patuloy na mamumuhunan, aayusin ang transpo systems ng bansa

by Radyo La Verdad | January 10, 2023 (Tuesday) | 12867

METRO MANILA – Mainit ang isyu ngayon sa lagay ng transportasyon sa bansa.

Dahil ito sa nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport noong January 1 at ang mahabang pila ng mga pasahero sa EDSA carousel kasunod ng pagtatapos  ng libreng sakay.

Kaya nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itutuloy ang mga malalaking proyekto na iniwan ng nakaraang administrasyon na higit na makatutulong sa mga gumagamit ng pampublikong transportasyon.

Kabilang sa mga proyektong ito ang Metro Manila Subway project.

Kahapon (January 9), pinasinayaan ni PBBM ang tunnel boring machine na gagamitin sa Metro Manila subway construction.

Hudyat na ito ng drilling operations sa Valenzuela City.

Ngunit ayon sa pangulo aabutin pa ng ilang taon bago makumpleto ang proyekto kaya umapela siya  sa publiko ng patuloy na pagpapasensya.

Ang 33.1 kilometers na Metro Manila subway ay magmumula sa Valenzuela City at magtatapos sa Paranaque City.

Sa oras na maging operational, makikinabang dito ang nasa 370,000 passengers per day mula sa 17 istasyon ng subway.

Samantala, inanunsyo naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista na nakakuha na sila ng pondo para sa feasibility studies ng ilang railway projects sa bansa.

Ayon sa kalihim, sa mga susunod na buwan ay agad na sisimulan ang pag-aaral para sa naturang mga proyekto.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,