METRO MANILA – Handa si Pangulong Ferdinand Marcos Junior na pakinggan ang mga health care worker ukol sa kanilang mga problema at hinaing.
Ayon kay PBBM, kinikilala ng pamahalaan ang ginawang sakripisyo ng mga nurse at mga manggagawa sa health care sector sa gitna ng nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.
Kaya naman itutuloy ng kaniyang administrasyon ang mga programang tumutulong sa mga nurse.
Tulad ng nursing certification program na layong palakasin ang kakayahan ng mga nurse at leadership development courses para sa public health care nurses.
Gayundin susuportahan aniya ng gobyerno ang pagpapatuloy ng in-service post-graduate scholarship program at e-learning program para sa mga nars.
Ayon pa kay PBBM, hahanap siya ng paraan kasama ang Kongreso kung papaano lulutasin ang malaking pagkakaiba sa sahod na natatanggap ng mga nurse sa government hospitals kumpara sa private sector.
Marami sa mga heath care professionals, kabilang ang mga nurse na nagnanais na makapagtrabaho sa ibang bansa dahil sa alok na mas malaking sahod at benepisyo.
Ayon kay Pangulong Marcos, dadagdagan niya ang cap para sa deployment ng mga nurse sa ibang bansa na naghahanap ng mas magandang oportunidad. Kung saan sa kasalukuyan, umaabot sa 7,500 ang annual deployment cap sa healthcare workers sa abroad.
Nauunawaan naman ni PBBM ang pangangailangan ng mga nurse na ayon sa pangulo ay kulang ang natatanggap na mga benepisyo.
Ayon sa pangulo, as of August 19, umabot na sa P25.82-B ang naipamahagi ng pamahalaan na mga benepisyo para sa health care workers lalo na sa mga nurse.
Nakapaloob na rito ang para sa hazard duty pay, COVID-19 sickness and death compensation: meals, accommodation, at transportation allowances; life insurance, special risk allowance at one- COVID-19 allowance.
(Nel Maribojoc | UNTV News)