PBBM, nagsalita sa agresibong aksyon ng China vs. PH boats sa WPS noong Linggo

by Radyo La Verdad | December 11, 2023 (Monday) | 3411

METRO MANILA – Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang pagiging matatag ng bansa sa harap ng mga agresibong aksyon ng China laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) noong Linggo.

Sa pahayag ng pangulo sa kanyang official x account (na dating twitter), sinabi nito na ang panggugulo at probokasyon na isinagawa ng China Coast Guard at kanilang Chinese maritime militia laban sa ating mga sasakyang pandagat at personnel noong weekend ay lalo pa umanong nagpapatibay sa determinasyon ng bansa na ipagtanggol at protektahan ang kasarinlan, sovereign rights, at hurisdiksyon ng ating bansa sa pinag-aagawang teritoryo.

Ginamitan ng water cannon at binangga ng mga barko ng China ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa isang pangkaraniwang misyon patungong BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sa gitna ng pangyayari, sinabi ni Marcos na siya ay nasa patuloy na pakikipag-ugnayan sa pambansang seguridad at liderato sa depensa at ipinag-utos din sa mga unipormadong tauhan na isakatuparan ang kanilang misyon na isinasa-alang alang ang kaligtasan at patuloy na itaguyod ang kanilang layunin.

Ayon sa pangulo, ang ilegal na presensya sa ating karagatan at mapanganib na mga aksyon laban sa ating mamamayan ay isang malinaw at hayagang paglabag sa pandaigdigang batas at sa alituntuning nakabatay sa mga patakaran ng pandaigdigang lipunan.

Sa huli, nagtapos ang kanyang mensahe sa pagsaludo, taos-pusong pasasalamat at suporta sa sandatahang lakas ng Pilipinas.

Tags: , ,