PBBM, kinondena ang pambobomba sa Marawi MSU; suspects, tiniyak na mananagot

by Radyo La Verdad | December 4, 2023 (Monday) | 13652

METRO MANILA – Mariing kinondena ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior, ang pambobomba ng umano’y mga “foreign terrorist” sa loob ng gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong Linggo December 3.

Sa isang pahayag, sinabi ng Pangulong Marcos na ang mga gumagamit ng karahasan laban sa mga inosente ay kaaway ng lipunan.

Pagtitiyak ng pangulo, mananagot sa batas ang mga nasa likod ng nangyaring pambobomba.

Inatasan na aniya ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na siguraduhin ang proteksyon at kaligtasan ng mga sibilyan ng mga apektadong komunidad.

Nagpa-abot din ng pakikiramay ang pangulo sa mga biktima, pamilya ng mga nasawi at sa buong Marawi.

Aniya may nakahanda at paparating na ang tulong sa mga naapektuhan ng bombing incident..

Nanawagan rin ang pangulo sa lahat na maging mahinahon at maging maingat sa pagpapakalat ng mali at hindi beripikadong impormasyon upang hindi na lalong lumalala ang kagimbal-gimbal na trahedya.

Tags: , , ,