Patuloy na pagtaas ng mga bilihin, ramdam ng nakararaming Pilipino – SWS survey

by Radyo La Verdad | August 7, 2018 (Tuesday) | 6444

METRO MANILA – Very good ang net satisfaction rating ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa pinakahuling Social Weather Stations survey. Pero bagsak ang naturang administrasyon pagdating sa pagsugpo sa problema sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation.

Lumalabas sa survey na mayor parte ng mga Pilipino ay nararamdaman ang patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin. Katunayan, 5.2% ang inflation o itinaas sa presyo ng mga bilihin noong Hunyo, pinakamataas sa nakalipas na pitong taon. Aminado naman dito ang Department of Trade and Industry (DTI). Sa halos 200 na kasama sa basic prime necessities and commodities, 39 dito o 22% ang nagtaasan ang presyo.

Kabilang na ang madalas binibili ng mga tao gaya ng sardinas, canned meat, gatas, kape, noodles, bottled water, kandila, mga condiments at iba pa. Gayundin ang agricultural products gaya ng bigas, manok, baboy at gulay.

Pero ang pinakamalaki anila na tumaas ay ang mga itinuturing na non essential o hindi masyadong kailangan ng tao gaya ng alcoholic at sweetened beverages pati na rin ang sigarilyo.

Ayon sa DTI, pinakamalaking nakaapekto sa inflation ay ang mataas na presyo ng produktong petrolyo sa world market.

Ang payo ng DTI, maging matalinong mamimili dahil mayroon pa rin naman daw ilang tindahan na nagbebenta ng mas murang produkto kaysa iba, kailangan lamang budgeting mabuti ang pera upang mabili lamang ang pinaka kailangan.

Ayon sa presidente ng Philippine Amalgamated Supermarket Association na si Steven Cua, totoo na hindi madali para sa mga manufacturer na magtaas agad ng presyo. Takot ang mga ito na mawalan ng customer lalo na at napakarami ng kompetensya sa merkado.

Pero ayon sa mga economic managers ng pangulo, nakikita nila na huhupa rin ang mataas na presyo ng mga bilihin sa katapusan ng taon.

Pero habang hindi pa ito nangyayari, iba’t-ibang paraan ang ginagawa ng pamahalaan upang maibsan ito gaya ng rice tarrification, pagbubukas ng mga bagsakan center na magbebenta ng murang bilihin at paghahabol sa mga mapagsamantalang negosyante.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,