Passenger aircraft ng Skyjet, kinumpiska ng BOC dahil sa ‘di pagbabayad ng duties and taxes

by Radyo La Verdad | July 17, 2018 (Tuesday) | 2776

Isang 80-seater passenger aircraft ng Magnum Air Skyjet Inc. ang sinamsam ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa hindi pagbabayad ng duties and taxes.

Ika-29 ng Marso 2017 nang unang kinuwestyon ng district collector ng Subic ang kumpanya dahil walang makitang importation entry record para sa 500 milyong pisong aircraft.

Wala ring maipakita ang kumpanya kung kaya’t sinamsam ng BOC ang eroplano. Inatasan ito ng BOC na magbayad ng mahigit 90 milyong piso na duties and taxes.

Simula noong 2014 matapos ma-expire ang registered locator nito, nagamit pa rin ang aircraft para sa commercial flights na isa na rin dahilan para sa iba pang imbestigasyon para sa karagdagang duties and taxes na babayaran ng kumpanya.

Sa isang official statement na inilabas ng Magnum Air Inc, isinisisi nito ang mga iregularidad sa mga dating namuno sa kumpanya.

Nag-alok naman ang mga bagong opisyal ng Magnum Air ng isang settlement para maiayos ang gusot.

Kung sakaling hindi papanigan ng korte ang apila ng Magnum, tuluyan nang sasamsamin at magiging pag-aari ng pamahalaan ang aircraft at isailalim ito sa public auction. Kapag nagkataon, ito ang magiging kauna-unahang eroplanong isusubasta sa Pilipinas.

Habang hinihintay naman ang desisyon, mananatili ang aircraft sa Hangar III General Aviation Domestic Airport Pasay.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,