Pasok sa paaralan at ilang ahensya ng gobyerno, sinuspinde dahil sa mga pag-ulang dala ng habagat

by Radyo La Verdad | June 11, 2018 (Monday) | 2323

Kahapon pa lang nag-anunsiyo na ang ilang lokal na pamahalaan na kanselado ang pasok ng mga estudyante sa lahat ng antas dahil sa inaasahang pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng habagat.

Kahit walang bagyo sa Philippine area of responsibility (PAR), ang malalakas na ulan ay maaaring magdulot ng pagbaha lalo na sa mga mabababang lugar.

Pero may mga local government naman na hindi nagsuspinde ng klase gaya ng Makati City.

Paliwanag ng PAGASA, napag-aralan na ng mga local government ang epekto sa kanilang lugar kung magkakaroon ng malakas na buhos ng ulan kaya hindi magkakapareho ang reaksyon ng mga LGU.

Bukod sa pasok ng mga estudyante, apektado rin ng mga pag-ulan ang ilang ahensya ng pamahalaan.

Bago magtanghali, inanunsyo ng Supreme Court na half day lang ang pasok sa mga korte sa Metro Manila. Noong Biyernes ay inianunsyo na ng PAGASA ang pagpasok ng tag-ulan.

Sa pagtaya ng ahensya, nasa 14 na bagyo ang posibleng pumasok sa PAR mula Hunyo hanggang Nobyembre.

Mas malaki ang posibilidad na tumama o maglandfall ito sa bansa sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.

Kaugnay nito ay inilunsad naman ng PAGASA ang bago nitong website na kinapapalooban ng mas maraming feature. Makikita sa website ang forecast sa maghapon at sa susunod na limang araw.

Dito agad rin malalaman kung ilang bahay o istruktura ang maaaring masira sa dadaanan ng isang paparating na bagyo.

Malalaman din kung gaano karaming ulan ang maaaring dalhin sa isang lugar at aling mga lugar ang maaaring bahain.

May climate forecast din para sa mga magsasaka para mapag-aralan kung kailan magtatanim at sa mga mangingisda para naman malaman kung delikado bang pumalaot o hindi.

Ipag-uutos naman ng DILG sa mga LGU na gamitin ang website. Gumastos ang gobyerno ng 17m pesos para sa website.

Bisitahin lamang ang www.bagong.pagasa.dost.gov.ph para makita ang detalye ng website.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,