Pasahe sa jeepney mababawasan ng singkwenta sentimo

by Radyo La Verdad | January 20, 2016 (Wednesday) | 1798

macky_bawas-pasahe
Nagkusa ang transport groups sa pagpa-file ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa rollback ng pasahe sa jeepney bunsod ng pagbaba ng presyo ng krudo sa merkado.

Sakop ng rollback ang NCR, Region 3 at 4. Sa dati nitong pasahe na P7.50 sa unang apat na kilometro, magiging P7 na lamang ito. Habang mananatiling P1.50 ang karagdagang bayad sa bawat dagdag na kilometro.

Kabilang sa mga nagfile ay ang grupo ng ACTO, FEJODAP, LTOP at Pasang Masda.Ayon sa transport groups, hindi puro pagtaas lang ng pasahe ang kanilang isinusulong. Nagkusa sila anyang magroll back dahil alam nilang kailangan nilang magbaba ng pasahe para sa mga pasahero.

Ayon sa transport groups, Bukod dito ay nagsasagawa na rin sila ng modernisasyon para sa kanilang mga jeepney. Sinimulan na anya nilang maghanap ng pondo para mapalitan ang kanilang mga lumang jeepney.

Ikinatuwa naman ito ni Elvira Medina, presidente ng National Council for Commuters Group. Anya magandang pasimula ito para sa magandang samahan ng commuters at transport groups.

Subalit ayon sa grupo, kapag tumaas ang presyo ng krudo ay mapipilitan din silang magtaas muli ng pasahe

Nanawagan naman ang transport groups sa Department of Trade and Industry na bantayan din ang presyo mga pangunahing bilihin maging ang spare parts na kanilang ginagamit upang makinabang ang lahat at mas makapagbaba pa sila ng bayad sa pasahe.

Sa darating na Biyernes, ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez ay ipatutupad na ang P.50 centemos na bawas pasahe sa mga jeepney.

(Macky Libradilla / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,