Parusang ipapataw sa mga colorum at abusadong taxi drivers sa NAIA, mas hihigpitan pa ng MIAA at LTFRB

by Radyo La Verdad | August 8, 2017 (Tuesday) | 3099

Pangkaraniwang nang  problema sa NAIA terminals ang mga colorum na taxi at mga driver na nangongontrata ng mga pasahero. Sa datos ng MIAA, umaabot sa 400 mga abusadong driver at dalawang colorum na taxi ang nahuhuli ng mga airport police kada-buwan.

Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang MIAA sa LTFRB upang masawata ang mga ito, na kadalasan nakassira sa imahe ng bansa. Sa pamamagitan ng nilagdaang kasunduan, mas hihigpitan pa ng LTFRB at MIAA ang pagbabantay sa mga taxi na nagsasakay ng mga pasahero sa NAIA. Papatawan naman ng mas mataas na multa ang mga mahuhuling colorum at mga nangongontratang taxi driver.

Mula sa dating isang libong pisong multa sa mga colorum taxi, itutulad na ito ngayon sa pataw na multa ng LTFRB na 120 thousand pesos at 3 buwang pagkaka-impound ng sasakyan.

Habang ang mga nangongontratang driver naman, kung dati ay hindi na pinapayagan makapasok pa sa loob ng NAIA ang mismong taxi unit na nahuli, ngayon ay pagbabawalan na ang buong taxi company na makapag-operate pa sa loob ng NAIA.

Kanina ay nagdeploy ng 8 traffic law enforcers ang LTFRB sa NAIA at agad na inispeksyon ang ilang mga nakaparadang taxi.

Muling umapela ang LTFRB at ang MIAA sa mga pasahero na wag nang tangkilin ang mga colorum at abusadong taxi drivers dito sa NAIA, sa halip ay agad anila itong ipaabot sa kanilang tanggapan, o direktang isumbong sa mga airport police at traffic law enforcers na nakadeploy sa mga terminal ng paliparan.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,