Partylist groups inaasahang dadagsa bukas sa COMELEC para magsumite ng certificate of nomination

by Radyo La Verdad | October 15, 2015 (Thursday) | 1322

darlene_parylist
Dahil huling araw na bukas, inaasahan na ng COMELEC ang pagdagsa ng mga partylist group na magsusumite ng certificate of nomination and acceptance gayundin ng mga indibiduwal na magpa-file ng certificate of candidacy.

Sa 244 na partylist group na nagpasa ng certificate of intent na makasali sa susunod na halalan, marami pa ang hindi nakakapagsumite ng listahan ng kanilang mga nominado.

Ayon naman sa COMELEC, pinaghahandaan na nito ang pagdagsa ng mga partylist na magsusumite bukas ng certificate of nomination and acceptance kaya nagdagdag na ito ng mga lamesa sa kwarto na magagamit.

Pina-alalahanan rin ng COMELEC ang mga party list group na hanggang 5pm lang ang submission bukas.

Samantala, ilang kilalang partylist group ang nagsumite narin ng kanilang cerificate of nomination.

Isa na na rito ang bayan muna na agaw pansin din dahil sa nakasuot ng costume ang mga representative nito na katulad ng mga suot sa pelikulang Heneral Luna.

Ilan pa sa mga kilalang partylist na nagsumite na kaninang umaga ay ang Gabriela, Migrante, Act teachers, Diwa partylist at Anwaray partylist.

Isa naman ang katutubo partylist sa mga bagong grupo na nais lumahok sa 2016 elections at dalawa sa mga nominee nito ay mga Lumad.

Nauna nang sinabi ng COMELEC na sa disyembre nito ilalabas ang pinal na listahan ng mga partylist group na papayagang tumakbo sa halalan. (Darlene Basingan/UNTV Correspondent)

Tags: ,