Partisipasyon ni CGMA sa PCSO fund scandal, hindi napatunayan ng Ombudsman ayon sa SC

by Radyo La Verdad | July 22, 2016 (Friday) | 8023

SC
Wala naipresentang testigo ang Ombudsman upang patunayan na nakinabang at nagkamal ng yaman si dating Pangulong Gloria Arroyo mula sa intelligence fund ng PCSO.

Ito ang paliwanag ng Supreme Court sa kanilang desisyon kaya’t dinismiss ang kasong plunder ni Ginang Arroyo.

Ayon sa Korte Suprema, wala ring ebidensiyang nagpapatunay na napunta kay Arroyo ang 366-million pesos na pondo ng PCSO.

Sa ilalim ng plunder law, kailangang nakapagnakaw ng hindi bababa sa 50-milyong piso ang isang opisyal ng gobyerno upang mahatulan ito ng plunder.

Sinabi pa ng korte na walang alegasyon at hindi napatunayan ng Ombudsman na may sabwatan sa pagitan ni Arroyo at ng mga dating opisyal ng ahensiya.

Hindi umano sapat ang pag-apruba ng dating pangulo sa pagpapalabas ng pondo bilang patunay na nakipagsabwatan ito.

Iginiit naman ni Chief Maria Lourdes Sereno sa kanyang dissenting opinion na sapat ang ebidensiya ng Ombudsman sa pakikipagsabwatan ni Arroyo at ng ilang dating opisyal ng PCSO

Patunay aniya nito ang paulit-ulit na pag apruba ng dating pangulo sa pagpapalabas ng pondo ng PCSO mula 2008 hanggang 2010.

Bilang pangulo, kontrolado aniya ni Srroyo ang pondo ng PCSO kaya’t dapat alam nito na may nangyayaring anomalya sa paggamit ng intelligence fund.

Para naman kay Associate Justice Marvic Leonen, hindi pa dapat makialam ang Korte Suprema sa ginawang pagdismiss ng Sandiganbayan sa demurrer to evidence ni Arroyo.

Magugunitang nagpetisyon sa Mataas sa Hukuman si Arroyo matapos hindi katigan ng Sandiganbayan ang kanyang hiling na mabalewala ang kanyang kaso.

Ayon pa kay Justice Leonen, dapat hayaan na lang muna ang Sandiganbayan na ituloy ang paglilitis sa kaso ni Arroyo at hayaan itong magpresenta ng kanyang depensa.

(Roderic Mendoza/UNTV Radio)

Tags: , ,