Umaasa sina Senate Committee on Youth chairperson Senator Bam Aquino, National Youth Commission, Climate Change Commission at ilang ahensya ng pamahalaan na mas mapalalim pa ang partisipasyon ng mga kabataan sa disaster risk reduction management sa lahat ng antas sa Pilipinas.
Ito ay sa paniniwala ng bawat sektor na malaki ang maitutulong ng mga kabataan pagdating sa paghahanda sa mga kalamidad na dumarating sa bansa.
Ayon kay NYC assistant secretary at commissioner-at-large Dingdong Dantes, maraming mga kabataan ang nais na makibahagi sa gawain ng gobyerno kaugnay sa disaster reduction.
“With or without this bill, alam natin na ang partisipasyon ng mga kabataan nandyan. We are always there to help, alam natin na palaging nandyan sila at maasahan, but its also important to streamline all this efforts and to institutionalized the participation of the youth in disaster preparedness” pahayag ni Dantes.
Umaasa din ang grupo na maisasabatas na ang Senate Bill No.2702 na iniakda ni Senator Bam Aquino at Senate Bill No. 2547 ni Senator Miriam Santiago na layuning mabigyan pa ng kapangyarihan ang mga kabataan na sumali sa decision-making at planning sa disaster risk reduction and management council partikular ang paglalagay ng isang miyembro ng NYC bilang miyembro ng National Disaster Risk Reduction And Management Council o NDRRMC.(Meryll Lopez/UNTV Radio)
Tags: Dingdong Dantes, disaster risk preparedness, NYC, Senator Bam Aquino