Partially vaccinated at unvaccinated workers, pagbabawalan na ring sumakay sa PUVs

by Radyo La Verdad | January 27, 2022 (Thursday) | 32714

Bibigyan ng isang buwang palugit ang mga partially at unvaccinated workers sa National Capital Region upang makapagbakuna kontra Covid-19. Dahil kung hindi pa rin sila magpapabakuna ay hindi na sila papayagan na sumakay sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila. Alinsunod ito sa napagkasunduan ng DOTr, DOLE at DILG.

Paliwanag ni Transportation Undersecretary Artemio Tuazon, Jr., hangad nila na maprotektahan ang mga mangggagawa na hindi pa nakakakumpleto ng bakuna ngunit gumagamit ng mga pampublikong transportasyon.

“Para sa ating manggagawa sa NCR na hindi pa bakunado o ‘yung mga partially vaccinated pa lang po, kayo po ay papayagan na lamang na bumyahe gamit ang pampublikong transportasyon papasok o palabas ng inyong trabaho sa Metro Manila mula ngayong araw na ito ika-26 ng Enero 2022 hanggang ika-25 ng Pebrero 2022”, pahayag ni Usec. Artemio Tuazon, Jr., Department of Transportation.

Nananatili naman ang exemption sa mga pasahero na hindi makapagpabakuna dahil sa medikal na kalagayan at ang mga nangangailangan ng essential goods at services gaya ng pagkain at gamot.

Maari pa ring bumyahe ang mga partially at unvaccinated worker papunta sa kanilang mga trabaho sa pamamagitan ng active transport o mga pribadong sasakyan kabilang na ang mga company shuttle service.

Pabor rin sa polisiyang ito ang Department of Labor and Employment para sa patuloy na pagbubukas ng mga hanapbuhay habang pinananatiling ligtas ang mga manggagawa.

Ngunit nilinaw ni Labor Undersecretary Benjo Benavides na hindi pa rin naman inoobliga ang mga worker na magpabakuna.

“Hindi po sila talaga mapupwersa pa na magpabakuna. however, for the unvaccinated workers to physically report for work, they need to undergo regular test at their own cost. So, kailangan po nilang magpa-test kung hindi po ako nagkakamali at least once every two weeks”, ani Usec Benjo Benavides, DOLE.

Suportado rin ng Department of the Interioir and Local Government ang “no vaccination, no ride” policy.

Paliwanag ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, may ligal na basehan ang pagpapatupad nito.

“Unang-una, ‘pag pinag-uusapan yung legal basis, there’s several. Number one, it is a presidential directive. It’s a presidential directive of the President which he announced during a talk to the people. Pangalawa po, ang legal basis of course is the ordinances passed by the different Local Government Units. Pangatlo is ‘yung MMDA resolution”, pahayag ni Usec. Jonathan Malaya, DILG.

Bernard Dadis | UNTV News

Tags: , , , , , ,