Partial Solar Eclipse, muling nasaksihan sa ilang bahagi ng bansa makalipas ang 7 dekada

by Erika Endraca | December 27, 2019 (Friday) | 2374

METRO MANILA – Mapa bata o may gulang man ay hindi pinalampas na masaksihan ang Annular Solar Eclipse.

Ang ilan ay sumadya pa sa astronomical observatory ng PAGASA sa Up Diliman para makasilip din sa mga teleskopyo.

Pambihirang pagkakataon ito para sa PAGASA at mga Astronomy Enthusiast dahil huling nasaksihan ang Annular Solar Eclipse sa Pilipinas noon pang 1944 at mauulit ito sa taong 2063 pa.

Dakong 12.33pm ng magumpisa ang eclipse sa Quezon City. Naging mailap ang araw dahil sa maulap na papawirin pero may oras na nakatiyempo rin.

Nasaksihan ito sa Saudi Arabia, Qatar, Uae, Oman, India, Sri Lanka, Malaysia, Indonesia, Singapore, Pilipinas, Northern Marianas Island at ang pinakahuli ay sa Guam.

Sa Pilipinas ay may tsansang masaksihan ang kabuoan sa Balut Island sa Sarangani.

Bahagi nito ay may tsansa ring masaksihan sa ibang bahagi ng Pilipinas gaya sa Quezon City na aabot sa 60%.

Dakong 2:20pm sana ang pinakamalaking partial eclipse sa lungsod pero naging maulap naman.

Sa Maynila, isang grupo ng mga taga San Beda ang ipinagamit sa publiko ang kanilang teleskopyo para makita rin ang eclipse.

Babala ng PAGASA, kailangang gumamit ng mga panala ng sikat ng araw dahil makakasira ng paningin kung direktang titingin sa araw. Ang isa sa maaaring gamitin ay ang welding mask.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: