Paratang ni Atong ang na tangkang pagpatay sa kanya, pinabulaanan ni Sec. Aguirre

by Radyo La Verdad | April 28, 2017 (Friday) | 1630


Mariing pinabulaanan ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang paratang ng gambling operator na si Charlie “Atong” Ang na may sabwatan ang ilang opisyal ng administrasyon at mga heneral upang ipapatay siya.

Ayon kay Aguirre, gawa-gawa lamang ito ni Ang at handa siyang humarap sa anomang imbestigasyon ukol dito.

Wala umano siyang ikinatatakot dahil wala siyang itinatago at malinis ang kanyang konsensiya.

Bago ito ay umapela ng tulong si Ang kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil nagsasabwatan aniya sina Aguirre, National Security Adviser Hermogenes Esperon at mga kasapi ng PMA Class of 1982 upang ipapatay siya.

Ayon kay Ang may natanggap siyang impormasyon mula sa NBI tungkol sa planong pag-“neutralize” sa kanya at sa operasyon ng kanyang kumpanya na Meridian Vista Gaming Corporation.

Tags: , ,

Sec. Aguirre, pinawalang bisa ang pagkakadismiss ng DOJ panel sa drug charges nina Espinosa, Lim at iba pa

by Radyo La Verdad | March 21, 2018 (Wednesday) | 14794

Pinawalang bisa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagkakadismiss ng DOJ panel sa mga drug charges nina self-confessed drug dealer Kerwin Espinosa at mga umano’y drug lords na sina Peter Lim, Peter Co at iba pa.

Sa ngayon, binibigyang pagkakataon ng Justice Department ang PNP at maging ang kampo ng mga akusado na magsumite ng mga karagdagang ebidensiya sa bagong DOJ panel na itinalagang humawak sa kaso.

Kabilang sa maaring tanggapin ang transcript ng pag-amin ni Espinosa sa pagdinig sa Senado na isa siyang drug dealer at maging ang travel records ng ibang akusado.

Dagdag ng opisyal, patututukan niya sa isang piskal ang pagkalap ng ebidensya at ang imbestigasyong isinasagawa ng PNP sa kaso.

Ayon naman sa PNP, inihahanda na nila ang mga ebidensyang magdidiin kay Kerwin Espinosa sa pagkaka-ugnay nito sa illegal drug operations.

Ayon kay PNP Drug Enforcement Group Director PSSupt. Albert Ferro, hawak ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang extrajudicial confession o ang katibayan ng pag-amin ni Espinosa noong November 2016  na sangkot siya sa kalakalan ng iligal na droga.

Samantala, sinabi naman ng kalihim na naghihinanakit ang ilan sa mga prosecutors matapos niyang atasan ang NBI na imbestigahan ang mga piskal na nagdismiss sa kaso nina Espinosa.

Sa kabila nito, hindi niya iaatras ang imbestigasyon at review sa naturang resolusyon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,

Makabayan congressmen, nanawagan kay Pangulong Duterte na alisin sa pwesto si Sec. Aguirre

by Radyo La Verdad | March 14, 2018 (Wednesday) | 15603

Hinamon ngayon ng Makabayan congressmen si Pangulong Rodrigo Duterte na agad alisin sa pwesto si Justice Secretary Vitallano Aguire II kung talagang seryoso ang punong ehekutibo sa kampanya laban sa iligal na droga.

Kasunod ito ng pagkakadismiss ng Department of Justice sa mga drug case nina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at ibang pang bigtime drug lords.

Ayon sa mga militanteng kongresista, kung hindi papanagutin ng pangulo si Aguirre, nanganaghulugan ito na peke ang kanyang war on drugs at ang target lamang ay ang mga small time drug pusher at user.

Ayon pa sa minorya sa Kamara, marami ng mga malalaking kaso ang pinababa ng DOJ. Matatandaang dalawang commissioner ng Bureau of Immigration na umano’y tumanggap ng suhol para palayain ang dalawang Chineses nationals, mula sa non-bailable na kasong plunder ay ibinaba ang kanilang kaso sa graft.

Gayundin ang pag-abswelto sa pinaghihinalaang ISIS recruiter na si Haytan Abdulamid at ang Pinay na kinakasama nito.

Samantala, sa twitter post ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kagabi, sinabi umano ni Pangulong Duterte na kung makakawala sina Espinosa at Lim, si Aguirre ang ipapalit niya.

Gagamitin din umano ng punong ehekutibo ang kaniyang kapangyarihan para repasuhin ang dismissal sa mga drug charges.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,

Sen. Hontiveros, muling binuweltahan ni Sec. Aguirre kaugnay sa isyu ng pagtatago ng mga testigo

by Radyo La Verdad | October 4, 2017 (Wednesday) | 12505

Muling binanatan ni Justice Secretary Vitallano Aguirre II si Senator Risa Hontiveros kaugnay sa umano’y pagtatago nito sa iba pang mga testigo sa kaso ng pagpatay kay Kian Delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Ayon kay Aguirre, ito ang dahilan kung bakit bumabagal ang pagkamit ng hustisya sa pagkamatay ng mga biktima.

Ayon sa kalihim, kung nais ng mambabatas na maisawalat ang katotohanan, hindi nito dapat itinatago ang mga testigo sa kaso.

Aminado rin ang Public Attorneys Office na nahihirapan silang idepensa ang kaso, dahil sa umano’y pangugulo at pakikialam ng ilang personalidad.

Samantala, inilunsad ng Citizen National Guard ang Save the Nation Movement. Layon ng grupo na hikayatin ang publiko na suportahan ang mga kampanya, programa at pagbabagong isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinusulong rin ng grupo ang paglaban sa alinmang mga hakbang na anila’y sisira sa bayan gaya ng terrorismo,rebelyon paglaganap ng iligal na droga, at iba pang mga banta sa seguridad ng bansa.

Binubuo ang grupo ng samahan ng mga retiradong sundalo at mga kababayan nating muslim na kaisa sa mga kampanya ng Pangulo.

Suportado naman ng DOJ at PAO ang hakbang na ito ng Citizen National Guard.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,

More News