Parameters at guidelines ni Pangulong Duterte sa pakikipag-usap sa China, nais munang alamin ni dating Pangulong Ramos

by Radyo La Verdad | July 20, 2016 (Wednesday) | 970

GRACE_RAMOS
Para kay dating Pangulong Fidel Ramos, bagamat pinaburan ng arbitration court ang Pilipinas sa maritime dispute laban sa China, hindi dapat magpadalos dalos ang bansa sa magiging susunod na hakbang nito.

Nakatakdang makipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong weekend si Ramos upang pag-usapan ang binabalak na dayalogo sa China.

Si Ramos ang napili ng pangulo na maging special envoy ng Pilipinas sa pakikipag-usap sa China.

Ngunit nais munang malaman ng dating chief executive ang plano ng incumbent president.

Isa sa konsiderasyon ni ramos bago tanggapin ang alok na trabaho ay kung kakayanin ito ng kaniyang kalusugan.

Nitong nakaraang Oktubre ay kinabitan ng pacemaker si Ramos dahil sa highblood at mabagal na tibok ng puso.

Sakaling tanggapin ang alok ng pangulo pangunahin na tututukan ni Ramos ang kung paano muling malayang makakapangisda ang mga Pilipino sa mga pinag-aagawang lugar gaya ng Scarborough Shoal.

Ayon kay dating Pangulong Ramos isang magandang aspeto sa ikapagtatagumpay ng pag-uusap ang pagiging bukas ng China sa bilateral talks.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , ,