Parallel bidding, sinimulan na ng Comelec

by Radyo La Verdad | June 10, 2015 (Wednesday) | 1244

JIMENEZ
Dalawang special bids and awards committee ang binuo ng commission on elections upang pamahalaan ang dalawang bidding na sabay na isasagawa ng Comelec.

Ang SBAC 1 ang hahawak sa bidding ng kukuning mga bagong makina habang ang SBAC 2 naman ang para bidding sa refurbishment ng mga lumang PCOS machines.

Sa inisyu na invitation to bid ng Comelec para sa option 1 o ang lease with option to purchase ng 70,977 na mga bagong OMR machines, 7.8 billion pesos ang inaprubahang budget .

Kasama na rito ang pag imprenta ng mahigit 47 milyong balota, 70,977 ballot boxes at mahigit 36 na libong technical support personnels.

Lumobo naman sa 2.88 billion pesos ang approved budget para sa option 2 o ang refurbishment ng 81,896 na mga lumang PCOS machines.

Nakapaloob sa kontrata ang refurbishment at system upgrade, upgrade o replacement ng major parts, replacement ng mga hindi na makukumpuning makina at preventive maintenance and warranty.

Limang buwan ang kakailanganin para matapos ang proseso.

Ang winning bidder ng option 2 ay magsusuplay din ng marking pens, thermal paper, ballot scanner cleaning sheet at 47.1 million na balota.

June 29 itinakda ang opening of bids para sa option 1 habang June 30 naman ang opening of bids para sa option 2.

Hindi naman pinagbabawalan ang Smartmatic na lumahok sa parallel bidding.

Tags: