METRO MANILA – Marami ang nagkukumahog na pumila sa mga botika sa Bambang sa Maynila kasunod ng balitang nagkakaubusan na ng Paracetamol at iba pang mga gamot sa karamihan ng mga pharmacy sa Metro Manila.
Ayon sa ilang pharmacy pahirapan nang makakuha ng paracetamol at iba pang mga gamot, dahil maging ang mga supplier ay wala na ring mga stock.
Sa abisong inilabas ng isang pharmaceutical company sinabi nito na pansamantalang out of stock ang ilan sa kanilang mga gamot dahil sa matinding demand o dami ng mga bumili.
Gayunman tiniyak ng kumpanya na nakikipagugnyan na sila sa mga drugstore at retailers para sa agarang replenishment sa lalong madaling panahon.
Sa kabila nito, itinanggi ng Department of Health na mayroong shortage sa suplay ng paracetamol at iba pang mga gamot.
Sa isang pahayag sinabi ng DOH na maraming ibang klase ng Paracetamol na available sa iba’t ibang mga drugstore sa bansa.
Sa ngayong ay naka-monitor umano ang Health Department sa suplay ng critical medicines para sa COVID-19 at iba pang uri ng gamot na pang lunas sa mga sintomas ng COVID.
Nakikipagugnayan na DOH sa Department of Trade and Industry (DTI) at Food and Drug Administration (FDA) upang tugunan ang pangangailangan sa mga gamot.
Umapela ang Deparment of Health sa publiko iwasan ang panic-buying at nagbanta sa sinomang mananamantala o magho-hoarding ng mga paracetamol.
Sa ilalim ng Republic Act 9502 o ang Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008, maaaring patawan ng multang P100,000 hanggang P10-M ang sinomang magsasamantala sa presyo at suplay ng mga gamot.
Maaari ring makulong ng hindi bababa sa 6 na buwan hanggang 11 taon ang sinomang mapatutunayang may paglabag.
Pwede ring bawiin ang lisensya ng negosyo at hindi na papayagang makapag-operate pa sakaling may violation sa batas.
(Janice Ingente | UNTV News)