Paraan para maiwasan ang pagkabulok agad ng mga mangga sa Bataan, itinuro ng mga eksperto

by Radyo La Verdad | May 7, 2018 (Monday) | 9798

Maraming mga Pilipino ang nagpa-practice ng healthy lifestyle at nahihilig sa mga organic food. Ito ang mga pagkaing nagmula sa mga pananim na hindi ginamitan ng mga synthetic materials tulad ng pesticides at antibiotics.

Kaya naman ang mga eksperto, patuloy ang pagtuklas ng mga makabagong paraan upang magawa ito.

Tulad na lamang ng paraan ng pagpapahinog ng mga mangga upang maiwasan ang mabilis na pagkabulok ng mga ito pagkatapos anihin na hindi gumagamit ng kalburo. Ito ay tinatawag na rapid hot treatment na itinuro sa mga mango grower sa Bataan.

Sa prosesong ito, ilulubog ang mga mangga ng sampung minuto sa tubig na may temperaturang 52 hanggang 55 degree celcius. Pagkatapos ay palalamigin sa ilalim ng tubig galing sa gripo sa loob din ng sampung minuto, patutuyuin at saka ipa-package.

Ayon sa mga eksperto mula sa University of the Philippines Los Baños, sa pamamagitan ng naturang technique ay maaring maiwasan ang  mga sakit na madalas makuha ng mga mangga pagkatapos anihin lalo na kapag panahon ng tag-ulan.

Ginagamit na umano ang ganitong proseso ng ilang exporter dito sa Pilipinas na nagdadala ng kanilang mga produkto sa mga bansang Tsina, Hongkong, Japan at Korea.

Ayon sa ilang mango grower, malaki ang maitutulong ng prosesong ito upang magbalik sa negosyo ang mga kasamahan niyang tumigil dahil sa pagkalugi.

 

( Alfred Ocampo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,