Paraan ng pangangalaga sa Las Piñas Parañaque Wetland Park, hinangaan ng mga banyaga

by Radyo La Verdad | October 12, 2018 (Friday) | 1768

Isa ang bansang Singapore sa mga bansang may maayos at malinis na kapaligiran sa mundo.

Ayon kay Senator Cynthia Villar, kaya din nating gayahin ito dahil may isang halimbawa na nito sa Pilipinas.

Kahapon ay sinamahan ng senador ang ilang delegado mula sa iba’t-ibang bansa sa Asya na inimbitahan ng ASEAN Centre for Biodiversity upang makita ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LLPCHEA).

Idineklara itong critical habitat noong ika-22 ng Abril 2007 sa bisa ng Presidential Procalamation 1412.

Mayroong mahigit walumpung uri ng migratory at local birds na matatagpuan dito tulad ng Chinese egret, Philippine ducks at black-winged stilt na kasama sa mga itinuturing na nanganganib ng maubos.

Kasama rin ang LLPCHEA sa listahan ng Ramsar bilang wetlands na may international importance. May lawak ang LLPCHEA na mahigit 175 hectares, 36 hectares dito ay mangrove forest at mayroon pang ibang mga klase ng puno.

Ang itinuturing na munting paraiso ay bahagi ng Metro Manila, kaya naman humanga ang mga delegado at napapanatiling naiingatan ang critical habitat na ito.

Ayon kay Tristan Tyrrell, irerekomenda niya sa ibang bansa ang naging konsepto ng Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area.

Umaasa naman si Senator Villar na magiging makabuluhan ang pagbisita ng mga ito sa lugar.

Ang LPPCHEA ay idinidevelop din bilang isang ecotourism. At upang matiyak naman na mapanatili ang kalinisan sa lugar ay patuloy ang linggo-linggong paglilinis ng iba’t-ibang volunteer groups sa LPPCHEA.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,