Paraan ng pag-amyenda sa konstitusyon, usapin pa rin sa pagsusulong ng Charter Change

by Radyo La Verdad | December 27, 2017 (Wednesday) | 2357

December 7, 2016 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order na layong buuin ang 25-member constitutional commission. Sila ang tutulong sa pagbalangkas sa mga panukalang amiyenda sa 1987 constitution.

Mahigit isang taon na ang nakakaraan, ngunit wala pa ring inilalabas na mga pangalan ang Malakanyang kung sino ang bubuo sa Con-Com.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang debate sa plenaryo ng mababang kapulungan ng Kongreso sa resolusyon tungkol sa pag-amiyenda sa konstitusyon sa pamamagitan ng constituent assembly

Ayon kay Deputy House Minority Leader at miyembro ng Committee on Rules na si Representative Alfredo Garbin Junior, tila hindi naman interesado ang senado na talakayin ang Charter Change dahil hati pa rin ang pananaw ng dalawang kapulungan ng Kongreso kung papaano aamiyendahan ang Saligang Batas na siyang magbibigay-daan sa nais ng Pangulo na federalismo.

Maging ang paraan ng botohan ng mga mambabatas sakaling mag-convene na ito bilang Con-Ass ay isyu pa rin.

Bago mag-break ang session ng senado, sinabi na ni Senate President Aquilino Koko Pimentel na mas mabuting ilabas na ng ehekutibo ang panukalang amiyenda nito upang masimulan na ang pagtalakay sa Charter Change.

Hahanap rin aniya ng paraan ang senado upang mabigyang daan pa rin ang pagtalakay dito sakaling umakyat na sa kanila ang impeachment case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Nagpahayag na rin ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na pagpasok ng 2018 ay target na nilang mag-convene upang simulan na ang pagtalakay sa panukalang pag-amiyenda sa 1987 constitution.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,