Paolo Duterte, muling naghain ng kasong libel laban kay Sen. Trillanes

by Radyo La Verdad | September 20, 2018 (Thursday) | 4788

Dalawang bagong libel case ang inihain ni Presidential son at former Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte laban kay Sen. Antonio Trillanes IV sa Regional Trial Court XI sa Davao City kahapon.

Ayon sa abogado nito na si Atty. Rainier Madrid, nag-ugat ang nasabing libel case sa pagdarawit ng senador kay ‘Pulong’ sa kaso ng 6.4 billion peso-shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).

Matatandaang noong ika-8 ng Setyembre, pagkatapos i-revoke ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya ng senador, una nang sinampahan ni Pulong ng kasong libelo si Trillanes dahil sa umano’y pagyurak nito sa kanyang pangalan nang idawit ito ng senador sa umano’y pangingikil sa isang transport network vehicle service (TNVS) at maging sa road board at DPWH.

Pinabulaanan naman ng kampo ng Presidential son ang pahayag ng senador na layon ng mga kasong isinampa sa kanya na mapalabas siya sa Senado at maaresto ng mga otoridad.

Sa kabuoan, apat na libel case na ang isinampa laban sa senador na haharapin nito sa Davao City Trial Court.

Samantala, ilang mga pahayag naman ang ipinost ni Pulong sa social media account nito na naghahamon kay Trillanes na harapin ang mga kasong inihain laban dito.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

Tags: , ,