PAO, nanawagan sa mga kaanak ng mga nawawalang biktima ng bagyong Yolanda na maghain ng declaration of presumptive death

by Radyo La Verdad | November 10, 2017 (Friday) | 2856

Hinikayat ng Public Attorney’s Office ang mga kaanak ng mga biktima ng pananalasa ng bagyong Yolanda na mag-file na ng declaration of presumptive death para sa kanilang mga mahal sa buhay na nanatiling nawawala hanggang ngayon.

Layon nito na magawan na ng kaukulang dokumento at makakuha ng claims sa Office of the Civil Defense.

Ayon kay PAO Assistant Regional Director Atty. Nits Negado, sa kabuoan may 5 petitioner pa lamang silang tinutulungan. Dalawa mula sa Tacloban, isa sa Tanuan, Leyte at dalawa naman ang mula sa Basey, Samar.

Ilan lamang sina Mang Ronilo Docos at Joel Aradana sa lumapit sa partner organization ng PAO upang mag -file ng declaration of presumptive death para sa kanilang kaanak  na apat na taon nang nawawala.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, mayroon pang 1,005 indibidwal ang nawawala  sa buong Eastern Visayas matapos manalasa ang Super Typhoon noong 2013.

 

( Jenelyn Gaquit / UNTV Correspondent )

Tags: , ,