Isinampa na ng Public Attorneys Office sa Quezon City Regional Trial Court ang civil case kaugnay sa pagkamatay ni Anjielica Pestilos.
Ito ang kauna-unahang Dengvaxia related case na isinampa ng PAO at aabot sa mahigit tatlong milyong piso ang danyos. Iniuugnay sa Dengvaxia ang pagkamatay ng sampung taong gulang na si Anjielica.
Ayon kay PAO Forensic Expert Dr. Erwin Erfe, sa kanilang ginawang pagsusuri sa katawan ng bata, lumalabas na binakunahan ito kahit may lupus at mahina ang immune system.
Ayon kay PAO Chief Atty. Percida Acosta, matibay itong basehan para sa isinampang kaso laban sa board of directors ng Zuellig Pharma Corporation, ang distributor ng Dengvaxia sa Pilipinas at sa Sanofi Pasteur na siyang manufacturer ng bakuna.
Kasama rin sa reklamo sina dating Health Sec. Dr. Janette Garin, Usec. Kenneth Hartigan- Go at iba pang opisyal ng pamahalaan na konektado sa pagbili at pagbibigay ng Dengvaxia.
Sinusuportahan naman ng Malacañang ang pagpapatuloy ng PAO sa imbestigasyon nito.
Samantala, napuno kahapon ng mga magulang at batang nabakunahan ng Dengvaxia ang tanggapan ng PAO.
Boluntaryo anila silang lumapit dito upang hilingin na hukayin ang labi ng kanilang kaanak ipa-autopsy upang malinawan kung ang Dengvaxia talaga ang sanhi ng kanilang kamatayan.
Samantala, magsasampa na rin aniya ang VACC ng reklamo sa Office of the President laban sa mga opisyal ng DOH na sangkot sa proseso ng pagbili at pagpapatupad nito.
Nagpadala na rin ang grupo ng sulat sa Pangulo na humihiling na magdeklara ng state of national emergency upang maresolba ang isyu sa pagbabakuna sa mahigit 830,000 na mga bataang Pilipino.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )