Panuntunan sa pagsasagawa ng home quarantine ng COVID-19 patients, inilabas ng IATF

by Erika Endraca | July 15, 2020 (Wednesday) | 2229

METRO MANILA – Hinihigpitan na ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagsasagawa ng home quarantine para maiwasan ang hawaan sa mga magkakapamilya na may kaso ng COVID-19

Dahil dito, tatlong panuntunan ang inilabas ng IATF para payagang mag home quarantine ang isang suspected or probable case ng COVID-19.

Una, kailangan may sarili itong kwarto sa bahay.

Ikalawa, dapat may sarili ring banyo ang kwarto at hindi ginagamit ng iba pang kasama sa bahay.

Ikatlo, dapat wala ring kasama sa bahay na senior citizen, buntis o may karamdaman tulad ng hypertension, diabetes, cancer at iba pa

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, kapag walang kapasidad ang pasyente na masunod ang naturang guidelines, ang mga otoridad na mismo ang susundo sa mga ito.

Aniya, magtutulungan ang mga local government unit at ang PNP upang magbahay-bahay at dalhin ang mga COVID-19 positive patients sa quarantine facility.

Hinimok din ng kalihim ang publiko na i-report ang sinumang nalalaman nilang may COVID-19 sa kanilang lugar upang maiwasan pa ang pagkalat ng virus.

Libre naman aniya ang pagkain, gamot at wifi sa mga quarantine centers.

Ayon kay Testing Czar Vince Dizon, gumagawa na rin ang pamahalaan ng paraan para lalo pang mapataas ang bed capacity sa mga isolation facilities sa bansa.

Humihingi naman ang IATF ng kooperasyon ng publiko para makontrol na ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

(Vincent Arboleda  | UNTV News)

Tags: ,