Mahigit isang milyong mag-aaral sa state colleges and universities at local government created universities sa buong bansa ang inaasahang makikinabang sa Free College Tuition Education Law.
Ayon sa CHED, sinimulan na nila ang pagbuo ng mga panuntunan para sa implementasyon nito na target matapos sa lalong madaling panahon.
Tinatayang higit sa 20-bilyong pisong pondo naman ang kinakailangan upang maipatupad na ang Universal Access to Quality Tertiary Education ACT sa 2018- 2019 school year.
Ayon kay Commissioner De Vera, kukunin ang pondo sa mga umiiral na scholarship at financial assistance program sa ilalim ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Habang ang iba pang pondo naman ay tutukuyin ng Kongreso sa pamamagitan ng 2018 National Expenditure Program. Mahigpit naman ang bilin ng CHED sa mga SUC at LUC’s na salain mabuti ang mga beneficiary ng naturang batas.
Samantala, kinukunsidera naman ng CHED na maisama sa panuntunan ng Free College Tuition Law ang return service agreement o pagbibigay ng serbisyo sa bansa ng mga magtatapos bilang iskolar ng bayan.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)