Panukalang vat exemption sa kuryente, suportado ng Meralco

by Radyo La Verdad | September 22, 2015 (Tuesday) | 1049

MERALCO
Planong amyendahan ng mababang kapulungan ng kongreso ang National Internal Revenue Code of 1997 na nakapaloob sa Republic Act No. 9377 upang tanggalin ang ipinapataw na Value Added Tax sa mga generation, transmission at distribution companies.

Maliban sa vat na binabayaran sa power generation, ipinapasa rin sa mga consumer ang vat sa systems loss o ang mga nasasayang at ninanakaw na kuryente.

Batay sa pananaliksik, ang Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong Southeast Asia.

Sa ngayon pumapalo na sa P9.55 ang kada kilowatt hour kasama ang 12% vat sa kuryente

Kaya ang isang pamilya na kumukunsumo ng 200kwh sa ibang buwan ay may vat na P191.

Positibo naman ang pagtanggap ng Meralco at ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa panukalang batas na alisin ang vat sa kuryente.

Ayon kay Meralco Regulator Management Office Head Ivana dela Peña, handa silang sundin ito oras na maisabatas na.

Kapag naisabatas na tinatayang nasa 73 centavos per kilowatt-hour ang posibleng mabawas sa singil sa kuryente.

Subalit tutol naman dito ang Dept. of Finance.

Ayon kay Finance Undersecretary Jeremias Paul Jr, tinatayang nasa 50-bilyong piso ang mawawala sa pamahalaan oras na alisin ang 12% vat sa kuryente.

Aniya, tanging ang mga mayayaman at mga nasa middle class lamang ang makikinabang sa pag-aalis ng vat sa kuryente dahil ang mga ito ang kumukunsumo ng malaki

Kaya para sa DOF gamitin na lamang sa ibat ibang proyekto ang vat na pakikinabangan ng lahat.

Sa ngayon patuloy pang pinag-aaralan ng kumite ang panukalang batas. (Grace Casin / UNTV News)

Tags: ,