METRO MANILA – Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, obligasyon na rin ng taong bayan na sawayin ang mga lumalabag sa quarantine protocols.
Ito ang naging paglilinaw ni Department of the Interior and Local Government Undersecretary for Barangay Affairs Martin Dino matapos umani ng batikos ang kanyang kontrobersiyal na panukalang shame campaign.
Ayon sa opisyal, para lamang ito sa mga pasaway na hindi sumusunod sa health protocols at hindi mismo para sa COVID-19 patients.
Paliwanag ni dino, kailangan nang maging “Proactive” ng mga mamamayan dahil marami pa rin sa mga looban ng mga barangay ang mga nagtutumpukan at hindi nakasuot ng face masks lalo na’t kapag wala nang umiikot na mga barangay tanod o pulis.
Ayon naman sa palasyo, hindi ito ang opisyal na polisiya ng DILG.
Sa isang text message, sinabi ni DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, imbis na ipahiya, mas mainam kung parurusahan na lamang ang mga quarantine violator base sa mga ordinansa sa kanilang nalabag sa kanilang lungsod.
Binigyang diin din nito na kanilang nirerespeto ang mga karapatan ng COVID-19 patients.
Ayon naman sa Commission on Human Rights (CHR), labag pa rin sa konsepto ng karapatang pantao ang pamamahiya kahit na para lamang ito sa mga pasaway na residente.
“Tandaan natin na may dignidad ang bawat isang tao at kahit naman na gusto talaga natin na mawakasan ang problema sa COVID-19, sana gawin ito sa pamamaraan na alinsunod pa rin sa batas. Kasi ‘yung shaming is against ra 9745 or The Anti-Torture Act and it is considered as a form mental torture. And sabi nga natin, a wrong cannot be corrected by another wrong.” ani Commission On Human Rights Spokesperson, Atty. Jacqueline De Guia.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: DILG, shame campaign