Panukalang pondo ng CHR, ERC at NCIP, ibinalik sa dati ng Kamara

by Radyo La Verdad | September 21, 2017 (Thursday) | 2349

Ibinalik sa dati ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang pondo para sa susunod na taon ng Commission on Human Rights o CHR, Energy Regulatory Commission at National Commission on Idigenous People o NCIP.

Ito ay matapos na umapela kay House Speaker Pantaleon Alvarez ang mga namumuno sa tatlong ahensya.

Ayon kay House Appropriations Committee Chair and Davao City Congressman Karlo Nograles, nangako si CHR Chair Jose Luis “Chito” Gascon kay speaker Alvarez na ieextend ang kanilang mga imbestigasyon sa mga kaso sa paglabag naman sa mga karapatan ng mga pulis, sundalo at iba pang sibilyan.

Nagbigay din ng katiyakan ang ERC at NCIP na paiigtingin ang paglaban sa graft and corruption at ipatutupad ng buo ang kanilang mandato.

Dahil dito sinabi ni Rep. Nograles na ibabalik sa dati ang panukalang pondo ng mga ahensya upang maisama sa final version ng General Appropriations Bill na isasalang sa third reading sa Kamara.

 

 

 

Tags: , ,