Panukalang pilot face-to-face classes, posibleng sa Agosto na masimulan

by Erika Endraca | February 23, 2021 (Tuesday) | 1382

METRO MANILA – Ayaw magbaka-sakali ni Pang. Rodrigo Duterte pagdating sa kaligtasan ng mga estudyante at guro.

Ito ang pangunahing dahilan kung kaya ayaw pa rin niya na magsagawa ng face to face classes sa bansa liban sa mga pinahintulutang higher education institutions.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hangga’t walang bakuna ay ayaw muna ng pangulo na ipagsapalaran ang kalusugan ng mga ito.

“Nagdesisyon na po ang president ha, wala pa rin po tayong face-to-face classes sa bansa. mang sabi niya, ayaw po niyang malagay sa panganib o alanganin ang buhay ng ating mga mag-aaral at mga guro habang wala pa pong nababakunahan sa bansa.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Gayunman ayon sa malacañang, posibleng magkaroon ng limitadong face-to-face education sa Agosto oras na maging puspusan na ang inoculation program kontra Coronavirus Disease.

“Sabi niya, may awa po ang Panginoon, baka naman po pagkatapos nating malunsad ang ating vaccination program, pwede na tayong mag-face to face sa Agosto lalong-lalo na dun sa mga lugar na mababa po ang Covid Cases” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, batay sa datos, ang Pilipinas na lang ang hindi pa bumabalik sa in-person learning sa Southeast Asia.

Lumalabas din sa isinagawa nilang survey na pabor ang nakararaming estudyante sa muling pagkakaroon ng face-to-face clases.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: