METRO MANILA – Patuloy ang Duterte administration sa paghahanap ng mga paraan upang ligtas na makapagbukas ng ekonomiya ng Pilipinas kahit nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine ang ibang bahagi ng bansa.
Ito ang tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na tanggihan ang rekomendasyong ilagay na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa sa buwan ng Marso hangga’t wala pang vaccination rollout.
Muli namang pag-aaralan ng pamahalaan ang panukalang isailalim ang Pilipinas sa pinakamaluwag na community quarantine sa susunod na buwan.
“We’ll monitor the situation on the ground kapag nagkaroon na ng rollout ng vaccination program and if makita naman natin, na maganda ang pagka-rollout and then perhaps we can again try to ask the president, kung ano yung kaniyang magiging sentiment with again shifting to MGCQ” ani Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Samantala, wala namang sinisisi si Pangulong Duterte sa pagka-antala ng pagdating ng Covid-19 vaccines sa bansa.
Ayon sa palace official, batid naman ng pangulo na nakaka-comply tayo sa requirements at responsibilidad na ng vaccine manufacturers ang shipment ng supplies.
“Alam mo, si Pangulo, he understands that we are at the receiving end of these vaccines. As much as we want to and as practicable as possible, ginagawa naman po natin ang lahat ng kinakailangan natin based on requirements that is asked of us. But at the end of the day, it is the vaccine manufacturers’ obligation to ship it to us at time that was promised.” ani Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Naantala ang pagdating ng 600,000 doses ng Chinese donated sinovac vaccines at wala pa ring tiyak na petsa ng pagdating nito sa bansa matapos aprubahan ng Food and Drug Administration ang Emergency Use nito kahapon.
Umaasa naman ang gobyerno na makapagsisimula ang vaccination rollout ngayong buwan pa rin ng Pebrero o sa unang Linggo ng Marso.
(Rosalie Coz | UNTV News)