Panukalang pagkalas sa Inter-Parliamentary Union, tinutulan ng ilang senador

by Radyo La Verdad | October 24, 2018 (Wednesday) | 4869

Binatikos ng ilang senador ang naging rekomendasyon ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na dapat nang bumitiw ang Senado sa Inter-Parliamentary Union Assembly. Ang panukala na ito ng House leader ay nagmula sa isyu ng umano’y pakikialam ng IPU sa judicial system ng bansa.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, napakaaga pa para tuligsain ang kabuuan ng IPU gayundin ang pagbibitiw sa IPU body bilang miyembro. Kung kakalas aniya ang Pilipinas sa IPU, ito ay mangangahulugan lamang na kinikilala ng Senado ang political persecution sa mga opposition senator.

Kinontra rin ng dating chairman ng IPU-Committee on Human Rights of Parliamentarians na si Senator Franklin Drilon ang panukala na ito ni Arroyo.

Gaya ng opinyon ni Senator Lacson, ipapakita lamang aniya ng Pamahalaang Pilipinas sa mundo na totoong may persekusyon na nangyayari sa mga kritiko sa ilalim ng Duterte administration.

Kahangalan rin ayon kay Senator Drilon na isuhestiyon na dapat maparusahan ang IPU dahil ginawa lamang ang kanilang trabaho na protektahan ang kanilang kapwa miyembro mula sa pang-aabuso ng ilang opisyal ng ehekutibo.

Sa kabila nito, suportado naman ng Malakanyang ang panukala na ito ni House Speaker Arroyo.

Bumisita na rin ang IPU sa Pilipinas noong 2017 para sa fact finding mission sa kaso ng nakadetine na si Senator Leila De Lima.

Nagnanais rin ang IPU na bumisitang muli sa bansa upang tingnan ang kaso naman ng isa pang kilalang kritiko ng administrasyon na si Senator Antonio Trillanes IV.

1889 nang matatag ang IPU, sa kasalukuyan ay mayroon itong 178 member parliaments.

Pangunahing isinusulong ng institusyon ang demorasya, pagkakapantay-pantay, karapatang pantao at kapayapaan.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,