Panukalang pag-oobliga sa pagpapabakuna vs COVID-19, unconstitutional ayon sa mga senador

by Radyo La Verdad | April 7, 2022 (Thursday) | 12136

METRO MANILA – Kinakailangang makapagpasa muna ng batas ang kongreso upang maipatupad ang mandatory COVID-19 vaccination sa Pilipinas.

Ayon kay Health Sec Francisco Duque III, bagamat maganda ang layunin nito na mas mapalawak pa ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa bansa

Posible namang lumikha ito ng kontrobersiya. Ngunit kailangan aniyang maintindihan ng publiko ang sitwasyon ngayon ng bansa.

Hindi naman pabor ang mga senador sa panukalang ito ni Sec. Duque. Ayon kay Sen Ping Lacson paglabag sa karapatang pantao ang pagpilit na magpabakuna kontra COVID-19.

Ayon naman kay Senate President Vicente Sotto III, ipinapasa na lang ng DOH sa kongreso ang problema sa nakatenggang milyon- milyong COVID-19 vaccines.

Kakaunti na lang din ang araw na natitira sa mga senador para magpasa pa ng isang batas

Sa isang pahayag naman sinabi ni Sen Koko Pimentel na hindi valid ang ideya na ito lalo na at experimental pa lang naman lahat ng COVID-19 vaccine.

Hindi din anya dapat gawing palusot ng DOH ang pagsasagawa ng mandatory COVID-19 vaccination dahil sa takot na ma-audit sila ng COA sa milyong- milyong bakunang malapit nang mag- expire.

Sa kabilang banda, nanawagan naman si Sec Duque sa mga kandidato na habang sila ay nangangampanya sa nais nilang plataporma ng pamumuno at pamamahala, ikampanya na rin nila ang pagbabakuna kontra COVID-19.

Ilang ulit nang ipinaalala ng health experts na mahalaga ng booster shots dahil sa banta ng mga mas nakakahahawang COVID-19 variants tulad ng Omicron XE.

Batay sa datos ng DOH,mahigit 46.8 million pa ang eligible na magpaturok ng kanilang booster shot mula sa 66.2 million na fuly vaccinated na mga Pilipino.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: