Ita-transmit na lamang sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte upang malagdaan at maging ganap ng batas ang panukalang 3.7 trillion pesos na pondo ng pamahalaan para sa 2018.
Kagabi ay niratipikahan na ito ng Bicameral Conference Committee bago ang huling sesyon ng Kongreso bukas para sa holiday break. Kabilang sa mga nabigyan ng pinakamalalaking budget allocation ang Department of Education na nasa 553.3 billion pesos. Sinundan ito ng Department of the Interior and Local Government o DILG na pinaglaanan ng 170.8 billion pesos, Department of National Defense na may 149.7 billion pesos at ang Department of Social Welfare and Development na may 141.8 billion pesos.
Kasama ding naratipikahan ng General Appropriations Act for 2018 ang pondo para sa dagdag na sweldo ng mga pulis at pagbili ng body cam para sa mga ito na gagamitin nila sa kanilang mga operasyon.
Bigo namang maratipikahan ang panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN bill, ito ay dahil sa hindi pa napapagkasunduan ng mga Kongreso at Senado ang mga isyu sa kani-kanilang mga bersyon.
Ilan sa mahahalagang probisyon na nakapaloob sa TRAIN ay ang pag-eexempt sa buwis ng mga kumikita ng hindi lalagpas sa 250-thousand pesos kada taon at pagtataas ng tax sa gasolina, diesel at LPG.
Dito sana kukunin ang pondo ng pamahalaan para sa infrastructure projects ng administrasyong Duterte.
( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )
Tags: duterte, Kongreso, niratipikahan