Panukalang nagbabawal ng lahat ng uri ng hazing, nilagdaan na bilang batas ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | July 12, 2018 (Thursday) | 10042

Sampung buwan na ang nakakalilipas, ngunit sariwa pa rin sa alala ng mga magulang ni Atio Castillo III ang malagim na sinapit ng kanilang anak. Si Atio ang UST law student na napatay sa hazing ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity.

Bagaman nakapiit na ang mga suspek, balot pa rin ng lungkot at panghihinayang ang mga magulang nito. Kasabay anila ng pagkamatay ni Atio ay gumuho ang kanilang pangarap para sa minamahal na anak.

At upang hindi na maulit pa sa iba ang masakit na sinapit ni Atio, nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inamyendahan at mas pinalakas na bersyon ng anti-hazing law.

Sa ilalim ng Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018, mahigpit nang ipinagbabawal ang anumang uri ng hazing sa mga fraternity, sorority, o anumang uri school organization. Gayundin sa mga opisina at mga uniformed service learning institution.

Bukod dito, maaari na ring maparusahan ang mga opisyal ng eskwelahan ng dalawampung taon hanggang habang-buhay na pagkakakulong kung mapatutunayang nagpabaya ang mga ito upang mangyari ang hazing.

Ang sino namang nagplano  o nakiisa sa hazing activities na nagresulta sa pagkamatay, rape at injury sa isang tao ay papatawan ng reclusion perpetua at multang tatlong milyong piso.

Sa ilalim ng bagong bersyon ng batas, kasama na ring maparurusahan ang sinumang magtatangkang pagtakpan o itago ang nangyaring karahasan.

Nakasaad din sa pinaigting na batas na maari na rin ikonsiderang liable ang sinumang kasama sa nagplano kahit wala sa mismong hazing.

Sa pananaw ng ina ni Atio, walang masama sa pagsali sa fraternity, subalit hindi na aniya kinakailangan pa ang hazing upang patunayan lamang ang katapatan ng isang bagong miyembro na sasali sa grupo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,