Kahit kita sa CCTV ang mga riding-in-tandem na sangkot sa krimen, hirap ang mga otoridad na kilalanin ang mga ito dahil hindi mabasa ng malinaw ang plaka.
Kaya naman sa Kamara, tinatalakay na ngayon sa House Committee on Transportation at Committee on Public Order and Safety ang Motor Cycle Crime Prevention Act of 2017. Sa panukala, dodoblehin ang laki ng kasalukuyang sukat ng plaka ng motor.
Ayon kay House Committee on Public Order and Safety Chairman Rep. Romeo Acop, maliban sa likod, lalagyan na rin ng plaka sa harap at gilid.
Para kay Police Supt. Edwin Engay, legal officer ng PNP Highway Patrol Group, makakatulong ito para mabawasan lumolobong bilang ng krimen gamit ang motorsiklo.
Pero para kay Jobert Bolanos ng grupong Riders of the Philippines, delikado ang masyadong malalaking plaka dahil posible itong tangayin ng hangin at magdulot ng aksidente sa daan.
Dagdag pa nito, hindi pa rin ito makakabawas sa krimen dahil kadalasang ginagamit ng mga kriminal ay nakaw na motor o pekeng plaka.
Pasado na sa Senado ang panukalag batas na ito pero sa Kamara, dadalhin pa lang ito sa Technical Working Group.
Samantala, pinag-aralan narin ngayon ng kumite ang mga panukalang i-regulate ang paggamit ng habal-habal o motorcycle taxi.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: Kamara, motorsiklo, plaka