Panukalang joint dev’t ng China at Pilipinas, dapat sang-ayon sa Saligang Batas at arbitral ruling – Carpio

by Radyo La Verdad | August 3, 2018 (Friday) | 9354

Pagkakataong manaliksik at makakuha ng langis para sa China at Pilipinas ang nais ng parehong bansa para sa West Philippine Sea (WPS).

At sa pagpunta ni Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano sa Singapore para sa 2018 Asean Ministerial Meeting, isa sa mga nakalatag na paksa ay ang pagbuo sa matagal nang hinihintay na code of conduct sa pinag-aagawang teritoryo.

May panukala na rin umanong magkaroon ng 60-40 na hatian o 60% sa Pilipinas at 40% naman sa China para sa mga yaman tulad ng langis at gas sa WPS.

Isa sa mga natukoy na planong pagdausan ng joint exploration ang bahagi ng reed bank na mayaman sa langis at maaaring pumalit sa Malampaya upang makapag-supply ng kuryente sa dalawampung porsyento ng bansa.

Posible naman umano ang nasabing hatian ayon kay acting Chief Justice Antonio Carpio, basta’t magiging sang-ayon ito sa Saligang Batas at arbitral ruling ng UNCLOS at hindi isusuko ang soberanya ng bansa.

Hindi rin dapat ituring na negatibo ang implikasyon ng pakikipagtulungan ng China pagdating sa pagkuha ng yaman at pananaliksik sa reed bank.

Ayon sa isang eksperto, dahil sa paraang ito ay mabibigyan umano ng pagkakataon ang Pilipinas na magamit ang mas advanced na teknolohiya ng China pagdating sa maritime exploration.

Nanawagan naman si dating Pangulong Benigno Aquino III kay DFA Secretary Alan Cayetano na huwag ilihim sa publiko ang detalye ng planong kasunduan sa China.

Una namang sinabi ni Cayetano na mali ang impormasyong nakararating sa dating pangulo at iginiit na walang lihim na kasunduan sa China ang Duterte administration.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,