Panukalang ipagbawal na i-lock sa isang telco o network ang isang mobile phone, isinusulong sa Senado

by Radyo La Verdad | March 9, 2018 (Friday) | 7527

Sinimulan nang talakayin ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ang panukalang ipagbawal ang pag-lock ng mobile wireless devices sa isang telecommunications company.

Pangunahing nararanasan ng mga naka-postpaid plan ang naka-lock sa isang mobile network ang kanilang telepono.

Batay sa Network Freedom Bill ni Senator Sherwin Gatchalian, nililimitahan ng ganitong sistema ang kompetisyon sa telco industry at nililimitahan din nito ang karapatan ng isang consumer na mamili ng mas magandang serbisyo.

Ayon sa consumer group na Better Broadband Alliance, sa bansang Singapore, China, Chile at Israel ay ipinagbabawal ang pag-lock ng phone sa isang network.

Para sa Department of Trade and Industry (DTI), kung may tala naman ng maayos na pagbabayad ang isang subscriber, maaari namang huwag nang i-lock ang cellphone nito.

Paliwanag naman ng mga telco, maaari namang hilingin sa kanila na i-unlock ang phone matapos ang kontrata.

Karamihan din aniya ng mga smartphone ngayon ay dual sim, kung saan ang primary slot lamang o isang sim slot ang naka-lock sa isang network.

Nakabinbin naman sa mababang kapulungan ng Kongreso ang counterpart bill ng panukalang ito ni Senator Gatchalian.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,