Panukalang idaan sa NDRRMC ang desisyon sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam kapag may bagyo, pinag-aaralan na

by Erika Endraca | November 17, 2020 (Tuesday) | 11552

METRO MANILA – Pangunahin ang Magat dam sa Isabela at Angat dam sa Bulacan sa mga binabantayan kapag may inaasahang malalakas na pag-ulan o bagyo dahil sa mga lugar na maaring maapektuhan kapag nagpakawala ang mga ito ng tubig.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año sa briefing kay Presidente Rodrigo Duterte sa Cagayan, imumungkahi niya sa ndrrmc na kapag may kalamidad o bagyo ay ang NDRRMC ang magdedesisyon ng pagpapakawala ng tubig sa mga dam.

Base aniya sa mga report ng mga LGU ay nakadagdag sa pagbaha ang pagpapakawala ng mga dam.

“I think we will propose na in times of calamities and typhoons dapat ay may nagko-control dyan kung sino, kailan, bubuksan yung dam. Kasi dapat before the bagyo pwede na tayong mag bukas lalo na kung meron tayong forecast kung gaano kalaki yung ulan na darating” ani Dilg Sec Eduardo Año.

Ayon sa NDRRMC, pag-aaralan nila ang bagay na ito pero wala silang nakikitang naging problema sa management ng mga dam operator sa ngayon.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, mas lumutang lamang ang issue na ito dahil sa mga nangyaring ngang pagbaha.

Dapat aniyang alalahanin na ang pinakadahilan ng pagbaha ay ang malakas na pag-ulan na dala ng mga weather disturbance.

Ayon sa National Irrigation Administration (NIA) bukas naman sila sa panukala.

Pero nilinaw nito na isa lamang ang Magat dam sa 20 tributaries o pangunahing daluyan ng tubig na dumidiretso sa Cagayan river.

Bago pa man anila dumating ang bagyong Ulysses ay nag abiso na sila na magpapakawala sila ng tubig para na rin mapanatili ang katatagan ng Magat dam.

Ang National Irrigation Administration ang operator ng Magat dam.

“Six hours before na mag open tayo ng spillway gate for release of water meron na tayong notices na ibibigay na sa ganitong oras magpapakawala na ang Magat dam “ ani NIA-Marris Dept manager, Wilfredo Gloria.

Ayon naman sa National Water Resources Board (NWRB) sila at ang MWSS ang nagdedesisyon sa pagpapakawala ng tubig sa Angat dam hanggat hindi lumalagpas ang lebel sa 210 meters.

Pero kapag higit dito, ang National Power Corporation na ang nagdedesisyon at ikinukunserada nito ang kaligtasan ng mga kumunidad sa ibaba ng dam.

Samantala, sinabi naman ni Sorsogon Governor Chiz Escudero sa programang Get It Straight With Daniel Razon na hindi naiwasan magkaroon ng malawakang pagbaha sa mga nagdaang bagyo dahil sa pagbabago sa patakaran nila sa quary operations sa mga daanan ng tubig.

Partikular dito ang pagtitiyak na walang anumang bara ang mga daanan ng tubig.

“Aming pinapakinabangan ang naunang executive order ni bandang enero ng kasalukuyang taon ni pangulong duterte na nagsasabi, kailangan at pwedeng idisilt at idredge ang mga daluyan ng tubig. Ang kailangan lamang ay program of work muna sa dpwh at hindi na kailangan ng ecc para lumalim ang daluyan ng tubig at tumaas yung tinatawag nating water holding capacity ng mga ilog at tributaries nito” ani Sorsogon Governor Chiz Escudero.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: