METRO MANILA – Naniniwala ang isang grupo ng mga guro na kayang maibalik sa mga susunod na school years ang pre-pandemic school calendar kung saan summer break na ang buwan ng Abril at Mayo.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), marami sa kanilang mga kasamahang guro at estudyante ang nagkakasakit dahil natataon ang klase sa mga panahon na naitatala ang pinakamainit na temperatura.
Kahapon (June 19), inihain ng ACT Teachers Party list ang House Bill 8550 na mag mag-oobliga sa Department of Education (DepEd) na ibalik sa dati ang school calendar.
Sa ilalim ng nasabing panukala aatasan ang DepEd na agahan ang closing o tapusin ang klase sa buwan ng Mayo para sa school year 2023-2024.
Para sa ACT hindi akma sa panahon ngayon ang kasalukuyang school calendar lalo’t pumapasok na ng pisikal ang mga mag-aaral na natataon tuwing tag-init.
At para magawa ito, dapat tiyakin ng DepEd ng sinusunod nito ang 180 school days at alisin na muna ang 40 buffer days upang gradual na maibalik sa dati ang school calendar na Hunyo hanggang Marso ang klase.
Una nang sinabi ng DepEd na patuloy pa nilang pinag-aaralan ang planong unti-unting ibalik ang pre-pandemic school calendar habang isinasapinal pa rin ang magiging school calendar para naman sa school year 2023-2024.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: DepEd, School Calendar