Panukalang iangat ang deployment ban sa mga OFW sa Middle East, hindi pa napapanahon – DOLE

by Radyo La Verdad | April 18, 2022 (Monday) | 765

METRO MANILA – Tutol ang isang labor official sa panukalang iangat ang deployment ban status sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga bansa na nasa Middle East.

Ayon kay Labor Attaché Alejandro Padaen ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Lebanon, hindi pa napapanahon dahil kailangan munang sumailalim sa konsultasyon at pag-aralang maigi ang mga sitwasyon bago maglabas ng ganitong abiso.

Dagdag pa ni Padaen, isa sa mga nakikitang dahilan ay ang kasalukuyang panunumbalik ng bansang Lebanon mula sa pulitikal na sigalot at biglang pagbagsak ng ekonomiya dahil sa maraming kumpanya ang nagsara.

Matatandaang isinusulog ni Department of Migrant Workers Secretary Abdullah Mama-o na tanggalin na ang deployment ban sa mga newly-hired skilled at domestic service workers sa Kingdom of Saudi Arabia at iba pang bansa sa Middle East kabilang ang Libya at Iraq.

Noong Enero 2020, itinaas ng Department of Foreign Affairs ang Alert Level ang Lebanon mula sa Alert Level 1 patungo aa Alert Level 2 at ang mga OFW na mayroon pang employment contract at mg naka-rehistro sa ilalim ng Ballk Manggagawa program ang papayagan lamang na bumalik sa nasabing bansa.

Dahil dito, sinuspinde ang pagproseso at pag-deploy sa newly-hired workers patungong Lebanon kasama rito ang mga pagbabago sa mga crew, embarkation, disembarkation, at shore leaves para sa seafarers sa ilalim ng Governing Board Resolution No. 08, series of 2020 na inilabas ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA)

(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)