Ipinaubaya na lamang ng Malacañang sa Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapasya kung gagawing voting venue ang mga mall sa bansa para sa 2016 elections.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., kailangan lamang naaayon sa batas ang anumang panukala na ipapatupad ng COMELEC.
Nauna nang sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na malaking ginhawa para sa mga botante kung isasagawa ang botohan sa mga mall.
Binigyang diin din nito na mas magdudulot ito ng kaayusan sa mga botanteng magsasadya sa mall at makakatulong din ito na ma-decongest ang mga paaralan na regular nang pinagdadausan ng botohan.
Sa ngayon pinagaaralan na ng law department ng poll body ang naturang panukala ayon kay Comelec spokesman James Jimenez.
Samantala, matapos lumabas ang nasabing panukala, nagpahiwatig na ang presidente ng Robinsons Land Corporation na si Frederick Go na suportado nila ang pagdaraos ng botohan sa 42 branches nito sa bansa nang walang tatanggaping kapalit mula sa COMELEC.(Jerico Albano/UNTV Radio)