Hindi posible para kay Doctor Primitivo Cal, ang executive director ng UP Planning and Development Research Foundation na gawing One-Way Highway ang kahabaan ng Edsa, C5 road at Roxas Boulevard.
Paliwanag niya, hindi maaring ipatupad ang naturang traffic scheme sa Metro Manila dahil wala naman aniyang alternatibong ruta na maaring daanan ang mga motorista, kung gagawin lamang na isang direksyon ang daloy ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada.
Para naman sa Secretary General ng PHL Global Road Safety Partnership na si Alberto Suansing, kinakailangan munang isailalim sa siyentipikong pag-aaral ang nasabing panukala sa trapiko.
Ipinanukala ni Samar Representative at Vice Chair ng House Committee on Transportation Edgar Sarmiento na gawing one way ang daloy ng mga sasakyan sa Edsa, C5 road at Roxas Boulevard.
Batay sa panukala, ang lahat ng mga sasakyan na biyahe mula Caloocan patungong Pasay o ang mga pa-Southbound ay padadain sa kahabaan ng Edsa.
Habang ang mga motorista naman na bibiyahe pa Norte ay maaring bumaybay sa C5 road at Roxas Boulevard.
Ayon naman sa MMDA kinakailangan muna itong isangguni at paaprubahan sa buong Metro Manila Council bago ipatupad sa Metro Manila.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: C5 at Roxas Blvd, EDSA, One-Way Highway