Panukalang gawing mandatory ang COVID-19 vaccination, nakasalalay sa Kongreso – IATF

by Radyo La Verdad | December 1, 2021 (Wednesday) | 3810

METRO MANILA – Payag si Pangulong Rodrigo Duterte na gawing mandatory ang pagbabakuna laban sa COVID-19 dito sa Pilipinas.

Bunsod na rin ito ng pagkakatuklas ng Omicron variant.

Ngunit paliwanag ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, nakasasalay sa kongreso ang paggawa ng batas kung gagawing sapilitan ang pagpapabakuna.

Nilinaw ni Acting Presidential Spokesperson Secretary Karlo Nograles, na wala sa kapangyarihan ng IATF na pilitin ang mga tao na tumanggap ng COVID-19 jab.

“Kailangan po ng batas, mas magiging mas magkakaroon ng mandatory enforcement kapag meron pong batas mula sa congress at mapirmahan ni Pangulong Dutrte, so it is up to congress to feel the need kung kinakailangan magkaroon ng batas to make it mandatory, as far as IATF Is concern patuloy pa rin po ang ating pagmi-meeting tungkol dyan at paguusap namin sa proposal na yan” ani Acting Presidential Spokesperson Sec.Karlo Nograles.

Iminumungkahi naman ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, na higpitan na lamang ang mga polisiya sa mga hindi pa bakunado, upang ma engganyo magpabakuna ang mas marami pa nating mga kababayan.

Dagdag pa nito, may kapangyarihan naman ang mga mayor na maglabas ng kautusan o ordinansa para makumbinsi ang kanilang constituents na magpabakuna na.

Samantala, naniniwala naman ang World Health Organization na hindi kinakailangang ang mandatory na pagsusuot ng face shield, sa gitna ng banta ng Omicron variant.

Ayon kay WHO Country Representative Dr.Rabindra Abeyasinghe, ang mahalaga pa rin sa ngayong ay sundin palagi ang tamang pagsusuot ng face mask, social distancing at ang pagpapanatili ng kalinisan upang makaiwas sa pagkahawa sa virus.

“WHO has right along said that this is a virus that is not airborne, it is closed contact transmission and that is why we emphasized that what is important is the physical distancing and face masking and hygiene if we can ensure those minimum requirements those minimum public health measure are complied with, if we can ensure that people don’t congregate in close settings the requirement of face shield probably at this point of time is not mandatory” ani WHO Country Representative Dr.Rabindra Abeyasinghe.

Binigyang diin ng WHO na sa ngayon ay wala pang malinaw na mga detalye ang Omicron variant, kaya’t wala pang nakikitang batayan para gawing mandatory ulit ang pagsusuot ng face shield.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,