Panukalang feeding program at checkup para sa mga batang mag-aaral, isinusulong sa Kongreso

by monaliza | March 19, 2015 (Thursday) | 17470

IMAGE__UNTV-News__PHOTOVILLE-International-__092012__Clasroom

Mahigit 13 milyong mag-aaral na naka-enroll sa mga pampublikong paaralan at day care centers ang hindi na makararanas ng kagutuman o malnutrisyon tuwing pasukan kung maipapasa ang House Bill 5584 na iniakda ni AAMBIS-Owa Partylist Rep. Sharon Garin, Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, and Biliran Rep. Rogelio Espina.

Ang House Bill 5584 o ang “Malusog na Estudyanteng Pilipino Act of 2015” ay naglalayong maglaan ng P50 billion para sa libreng pagkain at regular check up para sa mga estudyante sa pampublikong paaralan mula pre-school, elementary hanggang secondary school sa bansa.

Batay sa datos ng United Nations World Food Program, anim na milyong Pilipinong mag-aaral ang dumaranas ng severe malnutrition. Ito ay kasang-ayon sa pag-aaral ng Food Nutrition and Research Institute o (FNRI) noong 2011, na kung saan natuklasan na 3 sa 10 batang Pilipino na may edad 6 hanggang 10 taon ay kulang sa timbang.

Ayon pa kay Rep. Garin, nakakaalarmang malaman na maraming mag-aaral ang pumapasok sa paaralan na walang laman ang sikmura, kaya naman ang panukalang ito ang inaasahang tutugon sa nasabing suliranin.

Dagdag pa ni Rep. Garin na pangunahing responsibilidad ng pamahalaan na masiguro ang maayos na edukasyon at access sa health care program sa lahat ng mga mamamayan lalo na sa mga bata.

Sinuportahan naman ito ni National Nutrition Council (NCC) Executive Director Maria Bernadette Flores. Aniya, paraan ito upang mahikayat ang mga magulang na panalihin nila na pumapasok sa paaralan ang kanilang mga anak at mabawasan ang bilang ng mga lumiliban sa klase.

Kung sakaling maging batas na ang panukalang ito, ang NCC ang mangunguna sa pagpapatupad nito, katuwang ang Department of Education o DepEd, Department of Health o DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA) at FNRI.(Joms Malulan/UNTV Radio)

Tags: , , , , , , , , ,