Umani ng batikos sa mga netizens ang pahayag kahapon ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na dapat ma-exempt ang mga kongresista sa minor traffic violations. Katuwiran ni Fariñas, ito ay upang hindi sila maabala sa pagdalo ng mga sesyon sa Kongreso. Pero hindi rin sang-ayon ang ilang kongresista sa panukala.
Ayon kay Albay First District Representative Edcel Lagman, hindi naman nagmamaneho ang karamihan sa mga mambabatas. Naniniwala naman si Navotas Representative Toby Tiango, na dapat ay pantay-pantay ang trato sa lahat. Aniya, ito ang dahilan kung bakit gusto rin niyang ipagbawal ang paggamit ng numero otsong plaka para sa mga kongresista.
Ayon naman sa MMDA, maari silang magbigay ng exemption sa ilang motorista gaya ng persons with disability at mga doktor dahil sa mga emergency, subalit kailangan ng masusing pag-aaral ang hiling ni Fariñas.
Samantala, umaasa naman ang Malakanyang na tutularan ng mga kaalyado sa kongreso ang polisiya ng administrasyong Duterte na walang special treatment sa mga tauhan ng gobyerno lalo na sa pagpapatupad ng batas.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)