Panukalang executive order kaugnay ng Maritime Scientific Research sa Philippine Rise, isinasapinal na ng DFA

by Radyo La Verdad | March 15, 2018 (Thursday) | 4805

Wala pa ring pinapayagan ang Department of Foreign Affairs na magsagawa ng anomang marine scientific research hindi lamang sa Philippine Rise kundi maging sa ibang bahagi ng bansa.

Ito ay habang pinag-aaralan pa ng ahensya ang proseso sa pag-apruba ng mga aplikasyon ng ibang mga bansa para sa scientific research.

Bago matapos ang Marso, isusumite rin ng DFA ang isang panukalang executive order kay Pangulong Duterte kaugnay ng polisiya sa pagsasagawa ng ibang bansa ng pagsasaliksik sa karagatan ng Pilipinas.

Ayon sa DFA, naghain na rin sila ng pagtutol sa ginawang pagpapangalan ng China sa underwater features ng Philippine Rise noong Pebrero sa International Hydrographic Organization on Sub-Committee on Undersea Feature Names.

Ngunit para sa ilang eksperto, tila huli na ang bansa para gawin ito.

Wala namang nakikitang problema dito ang ilang mambabatas kung ang pag-uusapan ay ang claim ng Pilipinas sa Benham Rise.

Minamadali na rin aniya ang hakbang upang mabigyan ng pangalan ang limang underwater features sa Philippine Rise na una nang pinangalanan ng China.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,